Love triangle, nakikitang motibo sa pagpatay kay Jang Lucero; suspek, ex daw ng gf ngayon ng biktima

0
1465

Love triangle ang nakikitang ugat sa brutal na pagpatay sa babaeng driver na si Jang Lucero sa Calamba, Laguna. Ang babaeng suspek na nadakip, dating karelasyon umano ng babaeng karelasyon ngayon ng biktima, ayon sa pulisya.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang naarestong suspek na si Annshiela Montes Belarmino, 20-anyos, na ayon sa pulisya ay nagseselos sa biktima.

“Si Anne [Belarmino] ay allegedly may konting selos dun sa biktima. Siya mismo yung sumakay sa sasakyan ng biktima and napaka-importante na na-identify siya dahil siya mismo yung kasama nung mga sumaksak sa biktima,” ayon kay Brigadier General Vicente Danao, Regional Director, PRO-4A.

Si Belarmino umano ang nakita sa CCTV na sinundo ni Lucero para sa sideline nitong trabaho na paghahatid ng mga pasahero.

May dalawa pang lalaki na kasama si Belarmino nang sumakay sa kotse ni Lucero na sumakay sa likod.

Nakita kinalaunan ang bangkay ni Lucero na may 52 saksak sa katawan sa loob ng kaniyang sasakyan sa Bypass Road sa Calamba, Laguna.

Ayon sa source ng GMA News, isang alyas M ang humawak sa kamay ni Lucero mula sa likuran. Isang alyas Ad naman ang sumaksak umano sa biktima.

Ang nakita sa CCTV na asul na kotseng sumunod sa kotse ni Lucero ay minamaneho umano ng isang alyas B, at ginamit din daw ng grupo sa pagtakas.

Posibleng icepick daw ang ginamit sa pagsaksak sa biktima kaya walang masyadong dugo sa sasakyan ni Lucero.

Nahagip ng mga saksak ang puso, apdo, baga at iba pang organs ng biktima.

At kahit naka-facemask, naging matibay daw ang pagtukoy kay Belarmino bilang suspek na nakita sa CCTV dahil sa tip at sa tattoo nito sa likod na nahagip sa camera.

Ayon sa isang pulis, magkakaibigan umano ang mga suspek, na tinutugis na rin ngayon.

“Kapag lumaban kayo sa ating pulis siguradong may kalalagyan kayo,” babala ni Danao sa mga suspek.

Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here